Tulad ng ibang atleta na lalahok sa 30th Southeast Asian Games, todo na rin ang paghahanda ng Philippine national dancesport team para sa nasabing palaro na magsisimula na sa susunod na buwan.
Kinumpirma ni Becky Garcia, presidente ng DanceSport Council of the Philippines, na nag-hire sila ng isang Polish coach upang tutukan ang paghahanda ng mga atleta na lalaban sa 12-day sport meet.
Ayon kay Garcia, nanggaling umano sa Italy ang kaniyang mga atleta kung saan umattend sila ng dance camp. Habang paparating naman ngayong linggo ang dance coach na si Alina Nowak upang tulungan ang mga mananayaw sa kanilang preparasyon.
Si Nowak ay nagwagi sa katatapos lamang na Adult Latin Division sa World Open Championship.
Nakasungkit ng dalawang gold medals ang Dancesport team ng Pilipinas noong 2015 Sea Games.
Pagbabahagi pa ni Garcia, hindi raw siya makapagsasabi kung ilang gintong medalya ang kayang makuha ng kaniyang mga dancers ngunit positibo umano siya na ginagawa ng mga atleta ang lahat ng kanilang makakaya.
Sina Sean Micha Aranar at Ana Leonila Nualla ang sasabak sa Standard Discipline habang sina Michael Angelo Marquez at Stephanie Sabalo naman sa Latin Discipline.
Kumpiyansa rin si Garcia sa couple mula Cebu na sina Wilbert Aunzo at Pearl Marie Caneda na lalaban din sa Latin category.
Ang leading pairs ay lalaban sa 3 dance events habang ang supporting tandem naman ay sasayaw sa 2 events na gaganapin sa Clark, Pampanga.