-- Advertisements --

Nais umano ni PBA chairman Ricky Vargas na isabak ang pinakamalakas na team na puwedeng buuin ng Pilipinas para sa darating na 2019 Southeast (SEA) Games.

Ayon kay Vargas, ito raw ay bukod pa sa national team na lalahok naman sa FIBA World Cup sa China sa Agosto.

Bukas naman aniya ang PBA na magpahiram ng kanilang mga players para sa dalawang koponang isasabak sa nasabing mga malalaking torneyo ngayong taon.

Liban dito, ayaw din daw ni Vargas na maganap muli ang nangyari noong 2014 kung saan isinabak ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup at Asian Games, na ilang linggo lamang ang pagitan.

Sa nasabing taon, isa lamang ang naitalang panalo ng Gilas sa World Cup sa Spain, at inokupahan ang ikapitong puwesto sa Asiad.

Kung posible rin aniya ay kanilang isasabak si naturalized center Andray Blatche sa SEA Games, na gaganapin mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ngunit problema lamang aniya ay ang paglalaro ni Blatche sa Chinese Basketball Association na ang season ay tumatagal mula Oktubre hanggang Mayo.