Inihayag ni dating SC Senior Associate Justice Antonio Carpio na dapat ng tanggapin na ng gobyerno ng Pilipinas ang alok ng Amerika na pag-eskort sa resupply mission ng bansa sa disputed waters sa gitna ng tumataas na presensiya ng Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa dating mahistrado, dapat na magkaroon ng joint patrol ang PH sa US.
Ginawa ni Carpio ang pahayag ilang araw matapos na i-pull out ng PH ang BRP Teresa Magbanua na nagbantay sa Escoda shoal sa loob ng 5 buwan.
Ang mga kamakailang resupply missions kasi sa BRP Teresa noong ito ay nasa Escoda shoal ay hindi naging matagumpay dahil sa pagharang ng mga barko ng China.
Una na ngang umalis ang naturang PCG vessel at bumalik sa home port nito sa Palawan dahil sa masamang panahon, kakapusan ng suplay at health condition ng mga lulang Coast Guard personnel kung saan 3 dito ang na-diagnose ng dehydration dahil kapos sa maiinom na malinis na tubig kung saan umaasa na lamang sila sa pinakuluang tubig mula sa air-conditioning unit ng barko at tubig-ulan at 3 linggong lugaw na lamang ang kinakain.
Una na ring ipinaliwanag ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na nagsimulang maging limitado ang suplay ng mga CG personnel ng BRP Teresa dahil sa pagharang ng mga Chinese vessels na mas naging agresibo nitong Agosto kung saan direktang pinunterya pa ang BRP Teresa Magbanua at intensiyonal na binangga ng 3 beses ng China Coast Guard vessel na nagdulot ng pinsala sa barko ng PH.