Isinasapinal na ngayon ang listahan ng mga delegadong sasama sa nakatakdang working visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China ngayong buwan.
Sinabi Communication Sec. Martin Andanar, bahagi ito ng protocol na ipinatutupad ng bibisitahing bansa kaya kinukuha na nito ang bubuo sa delegasyon ng Philippine government para sa ika-limang pagtungo ni Pangulong Duterte sa China.
Ayon kay Sec. Andanar, wala pa silang itinerary para sa naka-schedule na China working visit ni Pangulong Duterte kung saan inaasahang uungkatin daw ng Presidente ang arbitral court ruling sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito, inihayag ni Sec. Andanar na “wait and see” kung ano ang magiging reaksyon ng China hinggil sa gagawing hakbang ni Pangulong Duterte.
Kamakailan lang ay iginiit ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianjua na hindi nila kinikilala ang arbitral ruling.
“Sa kasalukuyan ay kinukuha ‘yung mga pangalan ng mga delegado na sasama. Alam mo naman, lahat ay dumadaan sa protocol kung sino iyong mga sasama sa China tapos after which ay I think in a couple of weeks’ time ay bibiyahe na although hindi pa kami binibigyan ng itinerary kung ano talaga iyong mga lugar na pupuntahan,” ani Sec. Andanar.