-- Advertisements --

Hindi na umano kakayanin pa ng Pilipinas na dumipende sa paggamit ng printed self-learning modules.

Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, karamihan sa mga paaralan at mga estudyante ang pabor sa paggamit ng modules bilang kanilang distance learning modality.

Gayunman, kailangan na raw magkaroon ng bansa ng alternatibo sa printed materials, lalo pa’t madaling masira ang mga ito sa tuwing may kalamidad.

Noong nakalipas na taon, sinabi ng Department of Education (DepEd) na kailangan nila ng P1.2-bilyon upang palitan ang mga nabasang modules bunsod ng magkakasunod na bagyo noong Nobyembre.

Sa lungsod ng Marikina lamang, milyong pisong halaga ng learning materials ang sinira ng Bagyong Ulysses.

Una rito, inihayag ng kagawaran na hindi raw nila oobligahin ang mga estudyanteng may smartphones at iba pang electronic gadgets na gumamit ng printed modules.