Hindi pa nakikita sa ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagluluwag ng quarantine status sa alert level 1 sa bansa dahil na rin sa banta dulot ng Omicron variant ng COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mananatili muna sa alert level 2 sa ngayon ang NCR at maraming pang lugar sa bansa kaya kailangan munang obserbahan at i-monitor.
Inihalimbawa pa ni Duque ang muling pagtaas ng COVID-19 infections sa mga bansa sa Europe dahil sa pagluluwag sa minimum public health standards gaya ng pag-alis sa face mask at pagtaas ng mobility ng mga tao.
Gayunpaman, paliwanag ni Duque na nakayang malaban ng bansa ang nakalipas na surge ng COVID-19 noong limitado pa ang suplay ng mga COVID-19 vaccine dahil patuloy na naoobserbahan ng publiko ang health protocols.
Pareho naman aniya ang paghahandang ginagawa para hindi makapasok ang Omicron variant sa bansa gaya ng paghahanda ng sumibol ang Delta variant kabilang dito ang paghihigpit sa border control.
Batay naman sa latest genome sequencing sa mga samples na nakuha mula sa mga biyahero mula sa mga bansang nakapagtala ng kaso ng Omicron kung saan ayon sa kalihim ay walang na-detect na nagpositibo sa Omicron variant.