-- Advertisements --

Tiniyak ng National Security Council (NSC) sa People’s Republic of China na ang nakaplanong pagbili ng F-16 fighter jet ng Pilipinas sa Amerika ay hindi makakasama sa interes ng sinumang third party at hindi ito inilaan para sa anumang bansa dahil ito ay bahagi ng AFP Modernization Program.

Tugon ito ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya hinggil sa naging pahayag ng Ministry of Foreign Affairs ng China kung saan sinabi nito na ang anumang pakikipagtulungan sa pagtatanggol sa ibang mga bansa ng Pilipinas ay hindi dapat mag-target o makapinsala sa interes ng third party at hindi rin ito dapat magbanta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Ayon kay Malaya, karapatan ng Pilipinas na gawing moderno ang mga defense capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at wala itong pinatutungkulan na bansa.

Una ng inihayag ng pamahalaan na hindi dapat makialam ang ibang bansa lalo na ang China sa mga ginagawang hakbang ng Pilipinas para palakasin ang mga kagamitan nito.