Kumpiyansa ang Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) na naging sapat ang kanilang paghahanda para sa nalalapit nilang pagsabak sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Bago kasi ang kanilang kampanya sa SEA Games, lumahok muna sa iba’t ibang kompetisyon ang Dragon Boat team kung saan sila sumagwan ng maraming gintong medalya.
Kabilang na rito ang 2019 Haive River International Dragonboat Championships sa Tianjin, China kung saan sila nagbulsa ng isang ginto at isang pilak na medalya.
Noong Hunyo ay kinalawit ng Go For Gold-Philippine Dragonboat ang dalawang ginto sa sinalihang 2019 Beijing International Dragonboat Tournament.
Ayon kay national head coach Lenlen Escollante, magandang senyales daw ang naging performance nila sa mga torneyo sa China na sana raw ay magtuloy-tuloy sa regional sports meet.
Target naman ng PCKDF na dumagit ng lima mula sa 12 nakatayang gintong medalya.