Sa pambihirang pagkakataon, naitala ang pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa inilabas na datos ng PSA, mas bumagal pa sa 5.5-percent ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa ikalawang quarter ng taon, mula sa 6.2-percent ng parehong quarter noong 2018.
Ito ang pinakamabagal na paggalaw sa produksyon ng iba’t ibang industriya o GDP sa bansa mula sa 5.1-percent ng taong 2015.
Ang sektor ng mga serbisyo ang nakapagtala ng pinakamabilis na paggalaw sa 7.1-percent, habang 3.7-percent ang increase sa industriya.
Mabagal naman sa 0.6-percent ang paggalaw ng agrikultura.
“We must introduce tech solutions to build resilience in agriculture, we should ensure proper implementation of Rice Tariffication Law. This will help us achieve food security, protect farmers and make sector more profitable,” ani Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia.
Kung maaalala, bumagal din ang GDP growth noong unang quarter ng taon sa 5.6-percent.