-- Advertisements --

Lalo pang sumadsad ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikalawang quarter ng taon dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.

Sa virtual press briefing ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat nitong bumagsak ng 16.5 percent ang ekonomiya ng bansa mula Abril hanggang Hunyo kasunod ng mga ipinatupad ng lockdown.

Dahil sa nasabing pagbagsak, opisyal ng nasa recession ang ekonomiya ng bansa.

Ito na ang pinakamahinang performance ng ekonomiya sa loob ng apat na dekada.

Sinabi ni PSA Usec. Claire Dennis Mapa, pinaralisa ng mga lockdown ang mga domestic activities lalo na noong ipinairal ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang high-risk areas mula Marso 17 hanggang Mayo 15 at sinundan ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Mayo 31.

Ayon kay Usec. Mapa, inaasahan nilang papalo naman ang gross domestic product (GDP) sa 1.9 percent sa second half o kalagitnaan ng taon.

Pero maaari pa umanong magbago lalo ang mga data na hawak nila ay hanggang Hulyo pa lamang at mahirap magbigay ng mas malinaw na projections para sa Agosto.

“Gross domestic product declined by 16.5 percent in the second quarter of 2020. This is the lowest reported quarterly growth starting in the 1981 series,” ani Usec. Mapa.

Una ng inihayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na kapag nagkaroon ng magkasunod na quarters ng contractions, maituturing na itong technical recession.

Sa nakaraang first quarter, unang bumagsak sa negative level na -0.7 ang GDP ng bansa, ang kauna-unahang naitala mula noong 1998.