-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Ambassador at Consuls General sa United States na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng consular services o tulong para sa lahat ng mga Pilipino anuman ang kanilang immigration status.

Ito ay sa gitna ng napipintong malakihang pagbabago sa immigration policy ng Amerika sa ilalim ni President-elect Donald Trump sa oras na opisyal na itong umupo sa pwesto.

Sa isang statement, sinabi ng mg ito na nagkita sila para talakayin ang malawak na hanay ng mga usapin may kinalaman sa nalalapit na pag-upo sa pwesto ng administrasyon ni US President-elect Donald Trump partikular na ang immigration policies nito.

Nauunawaan umano nila ang mga uncertainty na nararamdaman ng ilang Filipino community sa Amerika kasunod ng kamakailang pahayag ng incoming administration.

Kaugnay nito, pinagtibay ng Heads of Posts ang kanilang kolektibong commitment para suportahan at bigyan ng kaukulang tulong ang mga Pilipino habang nirerespeto ang mga batas sa Estados Unidos.

Papaigtingin din aniya ng Embahada ng Pilipinas at Consulates General ang kanilang engagement sa mga opisyal ng US para sa pagsusulong ng proteksiyon sa mga karapatan ng mga Pilipinong naninirahan sa Amerika at pagtataguyod ng kanilang seguridad at kapakanan habang kinikilala ang karapatan ng Amerika sa pagpapairal ng sarili nitong mga batas.