-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Washington DC na ang Filipinang green card holder na inaresto pagdating sa Estados Unidos ay nananatili pa rin sa kustodiya ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat ang naturang Pinay ay kinilala bilang si Lewelyn Dixon, 64 na taong gulang, na nag-immigrate sa US mula sa Pilipinas limang dekada na ang nakalipas.

Inaresto si Dixon ng Customs Border Patrol noong Pebrero 28 matapos bumalik mula sa Pilipinas.

Ayon sa kanyang abogado ang dahilan ng pagka-detain ni Dixon ay isang non-violent conviction mula pa noong 2001.

Nagsilbi na rin umano ito ng 30-araw sa isang halfway house at nakapagbayad narin ng multa noong panahon na iyon.

Nag-aalala naman si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa nangyari sa Pilipina at ipinaliwanag na ang pagkakaroon ng green card ay iba sa pagkakaroon ng permanenteng status sa US, dahil ito aniya ay isang “pribilehiyo” lamang na nagbibigay-daan sa may hawak na manatili sa bansa at maaaring kanselahin anumang oras ng gobyerno.

Ang pagka-detine ni Dixon ay nangyari kasabay ng mga pangako ng administrasyon ni US President Donald Trump na magsagawa ng malawakang crackdown para sa mga illegal immigration.