Mistulang nakahinga nang maluwag ang mga opisyal ng Philippine embassy sa Tripoli, Libya matapos na makontak na rin ang grupo ng mga Pinoy engineers na naiipit sa labanan.
Kinumpirma na rin ngayon ni DFA Usec. Elmer Cato, na nagkaroon na sila ng contact kanina sa mga Pinoy workers na nagkakanlong pansamantala sa isang compound sa labas ng Tripoli kung saan nagaganap ang matinding sagupan nitong nakakalipas na dalawang buwan.
Ayon kay Ambassador Cato, “safe and sound” ang mga kababayan at kompleto ang mga ito sa kabila na namamayani pa rin ang tensiyon.
Una na kasing nagmatigas na umalis sa compound ang grupo ng mga Pinoy engineers sa kabila nang pagpapalikas sa kanila ng pamahalaan.
Samantala, kahapon naman 15 panibagong mga OFW ang nailikas mula sa Libya at pabalik na ng Pilipinas.
“After several days of trying, @PhinLibya was finally able to reestablish contact this afternoon with a group of Filipino engineers in compound outside Tripoli near where heavy fighting has been taking place in past two months. All are safe and accounted for,” ani Cato sa kanyang Twitter post.
Nasa mahigit 1,000 mga OFWs ang nakabasi sa Tripoli at iilan pa lamang ang pumayag na sumailalim sa repatriation program ng Philippine government.