BACOLOD CITY – Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy na apektado ng 2019 novel coronavirus outbreak para maibigay kung anuman ang pangangailangan nila.
Dahil sa pakikipag-usap ng Star FM Bacolod kay Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana naabot na ng Philippine Consulate in Guangzhou si Mrs. Jay Wang, ang Pinay na labis na nag-aalala kung infected ba siya o hindi matapos magbakasyon sa Wuhan.
Iniulat naman ni Mrs. Wang na alam na niya kung saan tatawag kung sakaling may iba na siyang mararamdaman.
“Kung may mangyari daw na iba sa akin dapat daw tatawagan ko sila. Sa ngayon hindi ko pa din alam kung may sakit ako o na infect naba ako kasi nga kailangan 14 days bago malaman na infected na talaga ko. Ngayon pauwi na din kami, nakapag refund na ang hotel kasi kailangan makauwi na din kami Nanzhang sa lugar ng asawa ko matapos nga kami ma-lockdown din dito sa Haikou City,” saad pa ni Mrs. Wang.
Handa naman ang embahada na magpadala ng tulong sa mga Pinoy na nasa Wuhan ngayon sa pamamagitan ng consulate office sa Shanghai.
Kasalukuyan pa ring tahimik sa Wuhan ayon kay Chai Roxas na lumabas sandali para bisitahin ang kanilang trabaho.
May paminsan-minsan pa ring mga sasakyan na bumabiyahe at ibang grocery store na nagbukas pero ghost town pa rin kung maituturing ang sinabing lugar na epicenter kung saan sa halos lahat ng mga tao ay takot lumabas bunsod nang labis na pangamba na ma-infect ng novel coronavirus.