Wala nang Pilipinong inaasahang tatawid sa border ng Gaza-Egypt sa gitna ng patuloy na digmaan sa pagitan ng Israel at mga militanteng Hamas.
Sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt na ang natitirang mga Pilipino sa Gaza Strip ay nananatili ngayon sa mga ligtas na lugar, at malayo sa sentro ng marahas na digmaan.
Ayon sa Embahada, ang natitirang mga Pinoy sa Gaza ay piniling manatili sa piling ng kanilang mga asawang Palestinian.
Matatandaan na noong Nobyembre 2, dalawang Pilipinong doktor na kabilang sa Doctors Without Borders ang unang ligtas na nakatawid mula sa Gaza patungong Egypt.
Ang Rafah Crossing patungo sa Sinai peninsula ng Egypt ay ang tanging exit point mula sa Gaza na hindi kontrolado ng Israel.
Una na rito, ang mga truck na nagdadala ng humanitarian aid ay dumadaan rin sa naturang border upang pagpaabot ng tulong sa mga residenteng apekto ng patuloy na digmaan sa Israel.