Muling nag-abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Israel sa mga Pilipino na iwasan ang ilang lugar dahil sa security concerns sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Middle east.
Sa abiso na inilabas ng Embahada, pinapayuhan ang mga Pinoy na iwasan ang pagtungo sa mga lugar sa Jerusalem particular sa Temple Mount, Damascus fate, Herod’s Gate, Al Wad road, Musrara Road at sa bisinidad ng East Jerusalem. Gayundin sa West Bank, mga lugar na malapit sa border ng Gaza at Lebanon, Golan Heights at mga lugar na malapit sa mga military base o outpost at sa mga power at water facilities.
Pinapayuhan din ang mga Pilipino na iwasang magtungo sa matataong lugar gaya ng malls at markets gayundin ang pagdalo sa malalaking pagtitipon gaya ng concerts, rallies at festivals.
Inaabisuhan ang mga Pilipino na maging maingat at alerto kapag sumasakay sa mga pampublikong transportasyon gaya ng bus at tren.
Huwag din lumapit sa mga Israeli security forces na nakapuwesto sa mga sensitibong lugar at sundin ang mga tagubilin ng Israeli security forces at ng Home Front Command.
Ang panibagong abiso mula sa Embahada ay kasabay ng paggunita ng ika-1 anibersaryo ng October 7 attack ng Hamas sa Israel at sa gitna ng nagpapatuloy na conflict sa pagitan ng Israel laban sa mga magkakaalyadong Hamas, Hezbollah at Iran.