Naglabas ng babala ang Embahada ng Pilipinas sa Israel para sa mga Pilipino na maging maingat laban sa mga trabahong inaalok ng mga hindi awtorisadong recruiter. Sa isang abiso na inilabas noong Biyernes, sinabi ng embahada sa Tel Aviv na dapat munang aprubahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang recruiter, ahensya ng recruitment, at kontrata sa trabaho bago maaaring tanggapin ang isang Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
Dagdag pa rito, ang mga Pilipinong manggagawa ay papaygan lang na maipadala sa isang bansa na sertipikado na ligtas at nagpoprotekta sa mga karapatan ng kanilang mga manggagawa.
Ayon sa Embassy, sakop ng mga batas at panuntunang ito ang mga tao o kumpanya na kasalukuyang nanghihikayat ng mga Pilipino sa Israel bilang manggagawa patungo sa U.S., Canada, Australia, Europe, at iba pang destinasyon.
Hinimok din ang mga Pilipino na ipaalam sa embahada ang mga hindi awtorisadong recruiter para maimbestigahan at maparusahan ng mga awtoridad kung mapatunayang lumabag sa batas.
Sa ilalim ng RA 10022 o ang batas na nag-aamyenda sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act, ang mga ilegal na recruiter ay maaaring maparusahan ng hanggang 20 taon pagkakakulong at pagmultahin ng hanggang P2 milyon.