-- Advertisements --

Inuulan ng apela ang Facebook page ng Philippine Embassy in The Netherlands, kasunod ng tuluyang pagbiyahe kay dating Pang. Rody Duterte patungo sa The Hague.

Una kasing inilabas ng embahada ang isang statement na naghatid ito ng counselor assistance sa dating pangulo pagdating niya sa naturang bansa, kasama na ang pagbibigay ng mga winter clothing, health care package, atbpa.

Maraming sa mga supporter ng dating pangulo ang nagpadala ng mensahe sa embahada at humihiling na tulungan ang dating pangulo sa kaniyang mga pangangailangan.

Ilan sa kanila ang humiling na ibigay sa dating pangulo ang respeto at paggalang na nararapat at akma sa isang nagsilbing presidente.

Ilang mga supporter din ang umapela sa embahada na maging ‘fair’ at huwag pairalin ang political color sa pagtrato sa dating pangulo.

Kahapon, Marso 12 ay maraming mga Pilipino na ang nagtungo sa ICC headquarters sa The Hague upang subaybayan ang pagdating ng dating pangulo.

Ang ilan sa kanila ay nagdala ng mga tarpaulin kung saan nakasulat ang kanilang pag-alala at pagmamahal sa dating pangulo.

Una na ring kinumpirma ng embahada ng Pilipinas na dumating ang eroplanong kinalululanan ng dating pangulo sa Rotterdam Airport.

Pagdating ng dating pangulo, tuluyan siyang ipinasakamay sa Judicial Cooperation Unit ng Office of Registry ng International Criminal Court (ICC).