-- Advertisements --

Bineberipika na ng Philippine Embassy sa Nigeria ang mga ulat na may mga Pilipinong mandaragat na napasama sa mga dinukot sa karagatang sakop ng Cameroon noong nakalipas na linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs na kanilang mino-monitor ang ulat na pagdukot sa 13 Pinoy seafarers.

“The Philippine Embassy in Abuja, which has jurisdiction over Cameroon, is verifying the report and has been instructed to make representations with the concerned authorities to ensure the safety and security of any Filipino national who may be held by the pirates,” saad sa pahayag.

Patuloy din umano ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mannig agency ng mga Pinoy at sa kanilang mga kamag-anak.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng isang opisyal sa port of Douala na may 17 tripulante ang dinukot, kasama na ang umano’y “siyam na Chinese civilian sailors” mula sa isa sa dalawang inatakeng barko, maliban pa sa mga Ukrainians.

Nangyari ang pagsalakay sa katubigang malapit sa Douala, na sinasabing hotspot ng mga tinatawag na seaborne crime.

Gayunman, nakasaad naman sa inilabas na port document na mga Pilipino imbes na Tsino ang nadukot sa isang Greek-owned ship, habang na-kidnap naman sa isang German-owned vessel ang walong iba pa na kinabibilangan ng tatlong Russians, apat na Pilipino at isang Ukrainian.