BUTUAN CITY – Mino-monitor na ng Filipino community sa Japan ang sitwasyon ng mga kababayang naapektuhan ng typhoon Hagibis.
Ayon sa Pinay resident sa Japan na si Marites Discipulo Kawahara, nakipag-ugnayan na sa kanila ang Philippine Embassy sa Tokyo para maabutan ng humanitarian assistance ang kanilang hanay doon.
Kasamang nakipag-usap ng embahada ang Department of Foreign Affairs at Japanese government officials.
Nagpaabot na raw ng pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng mga residenteng namataya ng kaanak dahil sa malakas na bagyo.
Sa ngayon mabuti na raw ang sitwasyon at lagay sa tinutuluyan ni Kawahara sa Yokohama-Shi.
Nagpasalamat naman ang isa pang Japanese citizen na si Steve Dekker mula Shonan na 50-kilometers lang ang layo mula sa Southwest Tokyo.
Ayon sa kanya, maliit lang ang naging epekto ng bagyo sa kanilang lugar dahil sa tulong umano ng mga itinayong imprastruktura ng pamahalaan para sa mga sakuna.
Balik serbisyo na raw ang train lines habang nagpapatuloy ang rescue operations ng Self-Defense Force sa mga naapektuhang rehiyon.