-- Advertisements --

Inaantay pa ng Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates ang instruksiyon mula sa Pilipinas kung maaaring gamitin ang arrest order laban kay dating Presidential spokesperson Harry Roque para makakalap pa ng karagdagang impormasyon sa pananatili nito sa UAE kasama ang kaniyang maybahay na si Mylah Roque.

Paliwanag ni Philippine Ambassador to the UAE Alfonso Ferdinand Ver hindi basta magbibigay ng impormasyon ang mga awtoridad doon kung walang arrest order o interpol notice dahil mayroon din aniyang privacy ang isang indibidwal na nasa UAE, legal man ito o ilegal na naroon sa naturang bansa.

Subalit base aniya sa kanilang huling impormasyong natanggap, kasalukuyang nasa UAE pa rin si Roque at kaniyang misis.

Matatandaan na nauna ng iniulat ng Bureau of Immigration na maaaring nakaalis ng Pilipinas si Roque sa ilegal na paraan dahil wala itong records sa immigration na umalis ng bansa.

Ayon kay Immigration chief Comm. Joel Viado, pinag-aaralan na ng kanilang legal team ang paghahain ng karagdagang mga kaso laban kay Roque dahil sa ilegal na pagbiyahe nito.

Una rito, nadadawit ang pangalan ni Atty. Roque sa kasong qualified human trafficking na inihain din laban kina Cassandra Li Ong at iba pa hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng POGO hub na Lucky South 99 Corp. sa Porac, Pampanga.

Kasalukuyang may outstanding arrest order si Roque mula sa House of Representatives matapos na ma-cite in contempt dahil sa kabiguan niyang magsumite ng mga hinihinging dokumento na magbibigay-katwiran sa umano’y biglaang paglobo ng kanyang yaman.