Tiniyak ni Philippine Ambassador to United Arab Emirates Ambassador Alfonso Ferdinand Ver ang agarang pagpapauwi sa mga Pinoy sa UAE na kamakailan ay ginawaran ng pardon.
Maalalang ngayong linggo ay inanunsyo ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tuluyang paglaya ng kabuuang 143 Filipino mula sa UAE kasunod ng pardon na iginawad ng pamahalaan ng naturang arab state.
Ayon kay Amb. Ver, inaayos na ang mga dokumento ng mga naturang Pinoy at inaasahang pababalikin na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Ang ilan sa kanila na may hawak na pasaporte ay maaari na aniyang makauwi sa bansa kapag makakuha ng clearance.
Sa kabuuan ng proseso, tiniyak ni Ver na tutulong ang Embahada ng Pilipinas na nakabase sa Abhu Dhabi sa tuluyang pagpapauwi sa mga Pinoy.
Ayon kay Ver, ang ilan sa mga Pinoy na ginawaran ng pardon ay binigyan din ng pamahalaan ng UAE ng kanilang pamasahe pauwi sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng Philippine Ambassador na ang mga Pilipinong ginawaran ng pardon ay may kinakaharap na iba’t-ibang mga kaso tulad ng illegal drugs use, at mga minor offense.
Dahil ang ilan sa mga ito ay nahaharap sa may kabigatang kaso, posible aniyang mas matagal ang prosesong pagdadaanan bago sila tuluyang makauwi sa bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 800,000 Pinoy na nagtra-trabaho sa iba’t-ibang sector sa UAE.