-- Advertisements --

Itinanggi ng Embahada ng China dito sa Pilipinas na gagantihan ng kanilang gobyerno ang mga Pinoy oras na ipa-deport ng pamahalaan ang Chinese nationals na mapapatunayang iligal na nagta-trabaho rito sa bansa.

Ito’y kasunod ng pahayag kamakailan ng Malacanang na nagbanta si Chinese Ambassador Zhao Jinhua hinggil dito.

Ayon sa Chinese Embassy, walang dahilan para hindi ipatupad ng kanilang pamahalaan ang mga batas at panuntunan na may kinalaman sa illegal foreign workers.

“Chinese law enforcement agencies will continue to properly handle relevant issues concerning foreign nationals working illegally in China in accordance with laws and regulations.”

Nirerespeto raw ng Beijing ang regulasyon ng Pilipinas, gayundin na hindi nito kinukunsinte ang gawain ng kanilang mga kababayan na iligal na nagta-trabaho rito sa Pilipinas.

Mahigpit din umano ang paalala ng embahada sa mga Chinese nationals na sundin ang batas ng mga bansang kanilang pupuntahan.

“The Chinese government has always requested Chinese nationals in the Philippines to observe the Philippine laws and regulations. The Chinese embassy in the Philippines has been issuing consular notices in this regard.”

Kung maalala, sinabi noon ni Pangulong Duterte na hindi niya maaaring ipa-deport ang mga Chinese workers dito sa bansa dahil sa nasabing banta.

Batay sa datos ng Bureau of Immigration, mula Enero 2016 hanggang Mayo 2018 ay umabot na sa higit 3-milyon ang bilang ng Chinese nationals na dumating dito sa Pilipinas.