Pinababalik na ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr. ang mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Canada na una nang ni-recall kamakailan.
Matatandaang pinauwi si Ambassador Petronila Garcia, dahil sa kabiguan ng Ottawa na matanggal sa ating bansa ang tone-toneladang basura, base sa deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero dahil kanina ay nakaalis na ang barkong may dala ng 69 container vans ng Canadian waste, wala na umanong rason para sa naunang recall order.
“To our recalled posts, get your flights back. Thanks and sorry for the trouble you went through to drive home a point. Arrevederci! And thank you Canada CDA Mucci,” wika ni Locsin.
Samantala, hindi na hinukay ang ilang tonelada ng basurang unang naitapon sa Tarlac mula sa Canadian waste.
Paliwanag ni Environment Usec. Benny Antiporda, mahirap nang makuha ang nasabing mga basura dahil humalo na ito sa lupa.
Malaking abala na rin umano at baka maging sanhi pa ng pagkaantala ng buong shipment na pabalik sa Canada kung ikinargang muli sa container van ang mga basura.
Aminado naman si Antiporda na mali ang naging pagtapon noon sa Tarlac dahil maituturing na toxic waste ang laman ng container vans, ngunit wala na raw magagawa dahil nangyari iyon noon pang nakalipas na administrasyon.