Inihain ang disbarment complaint sa Korte Suprema laban kay Philippine Ambassador to the United Kingdom Teodoro Locsin Jr kaugnay sa kaniyang burado ng post online na pagpatay sa mga batang Palestinian.
Ayon sa complainant na 1 Bangsa na isang Muslim civic group, nalagay sa peligro ang kaligtasan ng mga overseas Filipino worker at Filipino diplomats at personnel ng embahada sa iba’t ibang bansa dahil sa tinuran ni Locsin.
Sa naging post kasi ni Locsin sa social media, sinabi nito na dapat patayin ang mga batang Palestinian dahil maaari silang lumaki na maging katulad ng mga inosenteng Palestinian na hinahayaan ang Hamas na maglunsad ng mga rocket sa Israel.
Subalit ang naturang post ng opisyal ay binura na at humingi na rin ng tawad at nagpaliwanag na ito ay ang kaniyang sarcastic response sa komento ng ibang tweet.
Subalit ayon kay 1Bangsa president Maulana Balangi hindi umano sinsero ang paghingi ng tawad ni Locsin.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Balangi na maaaring makaapekto ang naging aksiyon ni Locsin sa mga kaso ng mga Pilipinong nakakulong sa ibang bansa at humihingi ng pardon.
Kung kayat hinimok ni Balangi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iparecall si Locsin.