Apektado man ng new coronavirus (COVID-19) ang galaw ng mga produkto papasok at palabas ng bansa, kumpiyansa ang Department of Trade and Industry (DTI) na may mabuting epekto ang healh crisis sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez, may ilang malalaking brands ng cellular phones na kinokonsidera ang Pilipinas na gawing supplier ng mga parte ng produkto nila na dating inaasa sa China at iba pang bansa na na nalilimitahan dahil sa epekto ng virus ngayon.
Sa usapin ng supply chain, sa ngayon wala pang nakikitang epekto ang DTI sa mga manufacturer.
Sapat pa umano ang kanilang mga supply para magtuloy sa operasyon sa susunod na buwan pero aminado si Sec. Lopez na hindi na matiyak na ganito pa rin ang sitwasyon kung hahaba pa ang panahon ng epekto ng COVID-19 sa ibang bansang pinagkukuhanan din natin ng mga supply.
Pagdating naman sa pag-e-export, inamin ni Sec. Lopez na apektado ang food industry lalo ng saging dahil nalimitahan na ang pagpapadala nito sa China na ngayon ay ikalawang pinakamalaking trading partner ng bansa.
Inaasahan rin ni Sec. Lopez na babagal ng 1% ang kalakaran sa China partikular sa Hubei province na lubhang apektado ng COVID-19.
Sa kabuang epekto naman sa ekonomiya, positibo pa rin si Lopez na sa kabila ng banta ng virus, may makikita pa ring paglago ng ekonomiya ngayong taon at posibleng umabot lang sa 0.7% ang maitatalang pagbaba ng gross domestic product ng bansa.