-- Advertisements --
fencing sea games

PASAY CITY – Magiging mas gigil sa laban, gaganti at babawi ang Pinoy fencers sa natitirang apat na araw ng kanilang events upang makatusok ng inaasam-asam ngunit mailap pa rin sa kanila na gintong medalya sa nagpapatuloy na 30th South East Asian Games.

Sa ngayon kasi ay nagkakasya pa lamang ang Philippine Fencing Team sa dalawang silver at dalawang bronze medals na naibulsa ng kanilang mga atleta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni fencing head coach Rolando Canlas Jr., na ikinalulungkot nila na hindi pa rin nakakamit ng koponan ang kahit na isa sa mga gintong medalya na ipinangako nilang ibibigay sa bansa.

Subalit hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa at patuloy niyang mino-motivate ang mga atleta na ibigay ang lahat sa kanilang mga laban.

Kumpiyansa naman ang 2005 SEA Games gold at bronze medalist coach na sa natitirang laban ng mga fencers ay malaki pa ang pagkakataon nilang makasungkit ng gintong mga medalya lalo na pagdating sa mga team events ng larong fencing. (report by Bombo Donnies Degala)