-- Advertisements --

Nagkasundo ang Pilipinas at France na palakasin ang kanilang kooperasyon sa dairy sector, ayon sa Department of Agriculture. 

Inihayag ng DA ang kamakailang paglagda ng isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng National Dairy Authority (NDA) at France-based Phylum SARL para sa pagsasagawa ng feasibility study para sa Philippine Dairy Project.

Ang feasibility study ay popondohan sa pamamagitan ng grant mula sa Fonds d’Etudes et d’ Aide au Secteur Prive ng gobyerno ng France.

Ang dairy farm ay magkakaroon ng pasilidad na kayang magproseso ng hanggang 10 metrikong tonelada ng hilaw na gatas araw-araw.

Sinabi ng DA na ang kasunduan ay magpapadali sa pagtatayo ng mga milk collection center at milk processing facility sa mga piling lugar sa buong bansa.

Ang MOU ay nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na kumakatawan sa NDA, at Phylum SARL managing partner na si Francois Gary noong Enero 22.