Nagkasundo ang Pilipinas at France na papalakasin ang kanilang kooperasyon sa sektor ng dairy product, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang memorandum of understanding (MOU) ay nilagdaan noong Enero 22 nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na kumakatawan sa National Dairy Authority (NDA), at Phylum SARL Managing Partner Francois Gary.
Ang Phylum SARL ay isang kumpanya mula sa France na dalubhasa sa pagkain, kalusugan ng hayop, at kapakanan ng mga hayop.
Ayon sa kasunduan magbibigay-daan ito sa pagsusuri ng feasibility study para sa Philippine Dairy Project na layong mapabuti ang industriya ng gatas sa bansa.
Ang naturang feasibility study ay po-pondohan naman ng grant mula sa French government’s Fonds d’Etudes et d’Aide au Secteur Prive at magsusuri kung kwalipikado ang proyekto para sa isang concessional loan mula sa gobyerno ng France.
Layunin din ng proyekto na magtayo ng isang modernong dairy farm sa Ubay, Bohol, na may kapasidad na mag-alaga ng higit sa 300 baka para sa produksyon ng gatas.
Ang pasilidad ay magkakaroon ng kakayahang magproseso ng hanggang 10 metrikong toneladang hilaw na gatas kada araw.
Bukod dito magtatayo rin ng mga milk collection center at mga milk processing facility sa mga piling lugar sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang sufficiency rate ng gatas sa Pilipinas ay nasa 1.66% lamang, at layunin ng DA na maabot ang 5% o 80 milyong litro ng gatas sa taong 2028.
Gayunpaman, mababa pa rin ang produksyon ng gatas sa bawat baka, na nasa 8 litro lamang kada araw, dulot ng mga hindi magandang feed at pamamahala, mataas na halaga ng produksyon, at kakulangan sa imprastruktura ng dairy.
Samantala umaasa naman ng NDA na magbubukas ang proyekto ng mga pagkakataon para sa mga international copperation at pamumuhunan mula sa pribadong sektor upang mapabuti ang lokal na industriya ng gatas sa Pilipinas.