Nangako ang French Navy na tutulungan nito ang Philippine Navy sa pagtatag ng isang submarine force.
Ayon kay Navy Flag Officer-in-Command, Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, aalalay daw ang French Navy sa pagbuo ng isang submarine force lalo na sa aspeto ng training at project management.
Ginawa aniya ang commitment sa isinagawang bilateral high-level meeting sa pagitan ng mga matataas na opisyal ng hukbong dagat ng dalawang bansa sa Paris noong Marso 12.
Una nang sinabi ng Philippine Navy na target nilang makakuha ng dalawang diesel-electric submarine units bilang bahagi ng kanilang modernization plan.
Nakipagpulong si Bacordo kay Admiral Pierre Vandier, chief of Naval Staff ng Marine Nationale.
Maliban dito, sinabi ni Bacordo na pumayag sila na ipagpatuloy ang Navy Senior Leaders visits at ang pagsasagawa ng regular na Navy to Navy discussion para sa pag-develop ng kooperasyon at partnership sa hinaharap.