MANILA – Patuloy pa rin ang negosasyon sa pamahalaan ng British pharmaceutical company na AstraZeneca, sa kabila ng pag-atras nito sa aplikasyon na magsagawa ng clinical trial ng kanilang COVID-19 vaccine sa bansa.
“Nalaman natin last week na nag-withdraw (yung AstraZeneca) because apparently they were able to meet the sufficient number with them para matapos yung trial nila… we’re already having negotiation,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Wala pang impormasyon kung balak ng kompanya na mag-supply na lang ng bakuna, pero paliwanag ng opisyal, hindi na dadaan sa vaccine expert panel at research ethics board ang AstraZeneca kung para sa emergency use authorization (EUA) na lang ang kanilang ipapasa na aplikasyon.
“Itong FDA (Food and Drug Administration) process na natin ang kanilang pag-aapplyan. We have two pathways for COVID-19 vaccines: yung isa mag-clinical trials, yung isa ipagbibili na nila or ipapasok sa merkado ng Pilipinas.”
Sa ilalim ng nasabing proseso, ang FDA na lang ang magsasagawa ng evaluation para mabigyan ang kompanya ng EUA.
Binibigay ang nasabing authorization sa mga gamot at bakuna na nasa gitna pa rin ng pag-aaral pero nakitaan ng magandang senyales ng pagiging epektibo.
Ang Health Technology Assessement Council (HTAC) naman ang susuri kung bibili na ang pamahalaan ng COVID-19 vaccine supply.
ASTRAZENECA-GAMALEYA PARTNERSHIP
Nilinaw naman ng Health department na hindi makakaapekto ang napipintong partnership ng AstraZeneca sa Gamaleya Research Institute ng Russia, sa posibilidad na pumasok ang kanilang mga bakuna sa bansa.
Ang Gamaleya ang developer ng Sputnik V vaccine, na may existing application para sa clinical trial.
“I don’t think so because Gamaleya applied as an inidividual manufacturer with their vaccine technology. Hindi naman nila in-apply dito yung harmonized o may partnership sila.”
“So I dont think there would be any effect in what we are having in the clinical trial.”
Paliwanag ni Usec. Vergeire, kung magpapasa ng hiwalay na aplikasyon ang partnership ng institusyon at AstraZeneca ay tiyak na dadaaan ito sa itinakdang proseso ng regulasyon.
“If they are going to go through with this partnership and come in the country, then we will need to have it undergo the regulatory process.”
ASTRAZENECA VACCINES BATCH 2: APPROVED
Nitong araw, inamin ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na aprubado na ng pribadong sektor ang pagbili sa ikalawang batch ng AstraZeneca vaccines.
“We are happy to announce that with enough support, and of course, demand coming from the private sector, the second part is now already in the works,” sa isang statement.
Walang binanggit na impormasyon ang opisyal kung gaano kadaming bakuna ang dadating sa ilalim ng pangalawang batch. Pero sa nakasaad sa agreement ng unang batch na 2.6-million dose ng bakuna ang darating sa ikalawang quarter ng 2021.
Ayon kay Usec. Vergeire, ang vaccine czar na si Sec. Carlito Galvez ang punong-abala sa pakikipag-usap sa private sector kaugnay ng kasunduan sa pagbili ng bakuna.
Noong December 4 nang lumagda ng agreement ang pamahalaan kasama ang pribadong sektor para sa bakunang gawa ng AstraZeneca.
“With the succeeding may plano naman talaga to provide assistance to the national government, as well as catering to their employees.”
“We think that is also important because those working population ay kailangan ma-cover dahil they’re at risk of contracting the disease.”