Ipinauubaya na ng Malacañang kay Labor Sec. Silvestre Bello III ang kaukulang tugon para sa mga Pilipinong nananatili sa Hong Kong sa gitna ng ginagawang malawakang protesta ng mga mamamayan doon.
Ang nasabing marahas na mga rally ay nag-ugat sa Extradition Bill o panukalang papayag sa pagpapadala ng Hong Kong nationals na nagkasala sa ibang bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, teritoryo ni Sec. Bello ang usaping ito kaya alam na nito ang dapat na preparasyon para sa kapakanan ng mga Pilipino sa Hong Kong.
Ayon kay Sec. Panelo, sa kanyang pagkakaalam ay mayroon nang naganap na mas malalang mass protest noon at hindi naman naapektuhan ang mga Pilipino.
Kaya naniniwala ang Malacañang na sa ngayon ay walang dapat ikabahala ang mga Pilipino sa Hong Kong.
Gayunman, sakaling lumala pa umano ang sitwasyon sa Hong Kong, ipatutupad ng gobyerno ang kaparehong aksyon na ginawa nila noon.