Nagkaroon na ng koordinasyon ang Pilipinas sa US government para makabili ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez sa regular virtual press briefing ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Malacañang.
Sinabi ni Amb. Romualdez, mismong si Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. ang nakipag-ugnayan kay US Secretary of State Mike Pompeo para sa COVID-19 vaccine ng Pfizer.
Ayon kay Amb. Romualdez, ang hakbang ni Sec. Locsin ay bilang pagsunod sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na idaan sa government-to-government ang negosasyon sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 para mabilis at maiwasan ang anumang anomalya.
Naniniwala si Romualdez na sa sandaling mabigyan ng certificate of approval ng US Food and Drugs Administration (FDA) ay mabilis na rin itong mapagtitibay ng FDA sa Pilipinas.
Umaasa si Romualdez na sa unang quarter ng susunod na taon ay maisasakatuparan ang pagbili ng US-made Pfizer COVID-19 vaccine.