-- Advertisements --

Naabot na umano ng gobyerno ang 97 porsiyento ng target nito sa pinakabagong mass vaccination drive laban sa COVID-19.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na as of March 17, naabot ng Bayanihan, Bakunahan ang 97 percent ng target.

Mahigit 1.8 million na ang bakunang naibigay nitong nakaraang National Vaccination Days (NVD).

Nilalayon ng gobyerno na magbigay ng kabuuang 1.87 milyong doses ng bakuna noong kamakailang National Vaccination Days (NVD).

Ayon kay Vergeire, nagawa rin ng gobyerno na mabakunahan ang mga katutubo na nakatira sa geographically isolated at disadvantaged areas sa panahon ng vaccination drive.

Ang ika-apat na “Bayanihan, Bakunahan” ay unang itinakda noong Marso 10 hanggang 12.

Kalaunan ay pinalawig ito para sa pangkalahatang populasyon hanggang Martes at para sa mga matatanda hanggang nitong Biyernes.

Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na maaaring ito na ang huling “Bakuunahan” drive dahil tututukan na lamang ng gobyerno ang mga lugar na mababa ang saklaw ng pagbabakuna.

Gayunpaman, tiniyak ni Vergeire na magpapatuloy ang pagsisikap ng DOH na maabot ang mga hindi pa nabakunahan at hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga booster shot laban sa COVID-19.