Naghahanda na ng tulong ang gobyerno para sa mga residenteng maaaring maapektuhan ng Bagyong Julian partikular na sa parteng extreme Northern Luzon.
Sa ngayon ay naka-monitor pa rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa galaw ng bagyo na kumikilos palabas ng bansa sa hilagang-silangang direksyon.
Sa isang situational report na inilabas ng NDRRMC, mayroong mahigit na P1.9 milyon na family food packs na may halagang P1.48 bilyon at iba pang mga food items na nagkakahalagang P276 milyon ang inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sakaling biglaang magkaroon ng mga matinding pagbaha o anumang mga insidente dulot ng Bagyong Julian.
Dagdag pa rito, may mga non-food items din na may halagang P919 milyon na nakahanda para ipamigay sa mga maaaring mangailangan na mga residente sa mga apektadong lugar.
Naghanda din ang ahensya ng Quick Response Fund (QRF) na nagkakahalagang P123 milyon at standby fund na P171 milyon para sa iba pang pangangailangan ng mga nasalanta ni Julian kung sakali man na mag-landfall na ito sa Pilipinas mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Samantala, sa Batanes naman nagbigay na ng advisory ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga residente na itali na ang kani-kanilang mga bubong at maghanda na sa inaasahang landfall ni Julian sa rehiyon batay yan sa State Weather Bureau ng bansa.
Sa ngayon ay hindi pa naman nag-anunsyo ng preemptive evacuation ang lalawigan dahil light to moderate rains pa lamang ang nararanasan sa lugar.
Sa kabilang banda naman, kinumpirma ni Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing na nag-deploy na ng mga personnels ang ahensya para mabilis na makapaghatid ng serbisyo at tulong sa posibleng emergency sa lugar.