Nakikipagtulungan na ang gobyerno sa Facebook upang makakuha ng impormasyon tungkol sa ilang pages sa nasabing social media site na umano’y naglalagay ng mga bastos at mahahalay na larawan ng mga bata.
Sa joint advisory ng Department of Justice, National Bureau of Investigation, Philippine National Police at Women and Children Protection Center, pinangalanan nila ang nasabing mga Facebook pages na “Mahilig sa Bata”, “Batang Masarap Spotted”, at “Samahan ng mga Mahilig sa Bata.”
“…wish to assure the public that the matter has already been coordinated with the management of Facebook for purposes of obtaining computer data,” saad sa abiso.
“May this also serve as a reminder to the public to report to the appropriate law enforcement authorities similar modus operandi that lend to prejudice a child’s […] well-being,” dagdag nito.
Batay sa advisory, ginagamit daw ang nasabing mga pages bilang daan para isulong at makapagpalitan ng mga malalaswang material ang mga miyembro nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nagpalit umano ng pangalan ang mga administrator at miyembro ng pages para makaiwas sa mga otoridad, at mapanatiling pribado ang mga page.
Sa ilalim ng Anti-Child Pornography Act of 2009 at ng Cybercrime Prevention Act of 2012, ipinagbabawal ang pag-aari at distribusyon ng anumang uri ng child pornography.
Sinumang mapapatunayang lalabag sa naturang mga batas ay maaaring makulong ng mula apat hanggang 14 taon, at pagmumultahin ng P200,000 hanggang P1-milyon.