MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang nakasaad na kasunduan tungkol sa pagbili at supply ng COVID-19 vaccine sa confidentiality disclosure agreement (CDA) ng pamahalaan at US-based pharmaceutical company na Pfizer.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mainit pa ring usapin sa nabulilyasong pagdating ng 10-million dose ng bakuna sa Enero.
“Yung CDA na pinag-uusapan na pinirmahan nung October, was for the initial data sharing so that we can start agreements,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
“Walang nilalaman tungkol sa operational or technical details; walang nakalagay diyan kung ilang doses ba, mayroon na bang deliveries, walang ganyan,” dagdag ng opisyal.
Magugunitang itinuro ni Sen. Panfilo Lacson si DOH Sec. Francisco Duque na nasa likod ng pumalyang plano. Bigo raw kasi itong asikasuhin agad ang CDA, na mahalagang dokumento sa kasunduan.
“Only he knows the real reason for failing to accomplish such a simple documentary requirement,” ani Lacson sa report ng Inquirer.net.
Paliwanag ni Usec. Vergeire, kinailangang dumaan sa proseso ang CDA para masigurong walang mako-kompromiso pagdating sa kampo ng gobyerno.
Katunayan, hindi naman daw talaga kasali ang DOH sa unang bahagi ng negosasyon.
“Ito ay dumaan sa usual process ng gobyerno kung saan may legal document na pinapasa sa amin, ay pinag-aaralan ng legal team. It was not just DOH which was trying to have this discussion with Pfizer at the outset. Nandiyan ang Department of Science and Technology, and during the latter part yung Office of the Executive Secretary.”
Sa unang meeting ng DOH kasama ang mga representatives ng Pfizer, wala raw nilabas na impormasyon ang kompanya. Pinag-usapan lang daw sa pulong ang CDA.
“What they were asking from us for them to be able to share information para lang makita natin yung mga umpisang dokumento nila, was for us to sign the CDA, so when we had that meeting wala pang dinisclose na kahit anong information.”
Nang sumunod na magharap ang ahensya at kompanya, doon pa lang daw nagkapalitan ng mga komento ang dalawang panig. Bago nito, ipinadala muna ng DOH sa iba pang concerned agencies ang CDA para magkaroon ng isang tugon ang panig ng pamahalaan.
“We mentioned to them our comments and they told use their comments, and then nag-regroup ang Pfizer and DOH. We then had this process of sending CDA sa mga ahensya na concerned for us to be able to have one finalized comments at ma-finalize ang CDA.”
Pumutok ang usapin ng COVID-19 vaccine na gawang Amerika, matapos ihayag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang pagkadismaya sa naudlot na plano.
Pero ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, asahan pa rin ang pagdating ng Pfizer vaccines pero hindi na sa unang quarter ng 2021.
Una nang dumepensa si Sec. Duque matapos muling makaladkad ang pangalan sa issue.