Nakatakda ng lumagda ng kasunduan ang pamahalaan, pribadong sektor, at pharmaceutical company na AstraZeneca para magkaroon ng COVID-19 vaccine supply ang Pilipinas.
Haharap mamaya sa isang virtual meeting sina vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, at country president ng AstraZeneca sa Pilipinas na si Lotis Ramin.
Pumasokang pamahalaan sa isang tripartite agreement kasama ang United Kingdom-based company at private sector para sa 2-milyong dose ng bakuna laban sa coronavirus.
“This coming Friday, we will sign a tripartite agreement where we can buy two million doses of AstraZeneca of the United Kingdom. We will be with the private sector who donated,” ani Sec. Galvez nitong Huwebes.
Kamakailan nang ianunsyo ng AstraZeneca na 90% effective ang kanilang bakuna kung kalahating dose muna ang ituturok sa unang shot, na siyang susundan ng full dose matapos ang isang buwan.
Mas mababa raw kasi ang effectivity nito na 62% kung parehong full dose ang matatanggap sa una at ikalawang shot.
“Positive high-level results from an interim analysis of clinical trials of AZD1222 in the UK and Brazil showed the vaccine was highly effective in preventing COVID-19, the primary endpoint, and no hospitalisations or severe cases of the disease were reported in participants receiving the vaccine. There were a total of 131 COVID-19 cases in the interim analysis,” ayon sa kompanya.
Kung ikukumpara sa sinasabing higit 90% effectivity ng mga bakunang gawa ng Moderna at Pfizer sa Amerika, mababa ang average na 70% effectivity ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca.
Pero di hamak naman daw na mas praktikal ang kanilang bakuna dahil target umano ng kompanya na ibenta sa $3 hanggang $4 ang kada dose para kahit ang mga mahihirap na bansa ay siguradong magkakaroon ng access sa bakuna.
Hindi rin umano nangangailangan ng ultra-low freezer na storage ang COVID-19 vaccine ng AstraZeneca kaya asahan daw na makakatipid din ang mga bansa.
Sa kabila nito ilang mga eksperto ang kumu-kwestyon sa bakunang gawa ng British company, dahil inamin ng AstraZeneca na ang inanunsyo nilang 90% effectivity ay bunga ng hindi sinasadyang pagbibigay ng kalahating dose sa unang shot, na dapat ay isang buong dose.
May mga analyst din na nagsasabi na baka hindi ito tangkilikin ng Estados Unidos dahil sa sinasabing kwestyonable pang resulta ng clinical trials.
Inamin ng Department of Health (DOH) na noong nakaraang linggo ay magpasa n ng aplikasyon para sa clinical trials ang AstraZeneca dito sa Pilipinas. Nakumpleto naman daw nila ang mga kailangan dokumento, kaya lumalakad na ang evaluation sa Vaccine Expert Panel.
“They already submitted their documents to our VEP, doon sa process nakapasa na sila. Noong November 16 nagpasa sila, during that time may kulang pa sa mga documents na sinubmit and immediately last November 18 they were able to complete all documentary requirements,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.