DAGUPAN CITY – Kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na sumulat siya sa mga ambassador ng European Union (EU).
Ito’y para ipatigil ang pagbibigay ng tulong sa mga grupo dito sa Pilipinas na front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Una rito, iprinisinta ng Philippine delegation sa serye ng engagements ng mga opisyal ng Belgium at EU sa Brussels noong nakaraang buwan na ang kanilang gobyerno ay nagbibigay pondo sa mga front organizations na nagpapakilala umano bilang non-government organizations at human rights defenders.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Esperon na ilan sa mga organisasyon na nakakatanggap ng pondo mula sa Europa ay ang Karapatan, Ibon Foundation, Gabriela at Salugpungan.
Binibigyan aniya ng EU ng pondo ang mga nabanggit na grupo sa pag-aakalang ginagagamit ito sa edukasyon at livelihood.
Ayon kay Esperon, tinatayang tatlong milyong Euro ang ibinibigay ng Belgium bawat taon sa mga ito.
Sa ngayon aniya ay tini-trace pa nila kung kailan nagsimula ang pagbibigay ng pondo ng EU sa mga front ng CPP-NPA.