Nakahanda ang Pilipinas na i-repatriate ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan sakaling tumindi ang tensiyon laban sa China ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac.
Palagi din aniyang nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno.
Kumambiyo naman ang kalihim na isiwalat sa ngayon ang karagdagang detalye kung paano ang magiging repatriation ng mahigit 150,000 OFWs na nasa Taiwan dahil sa sensitibo ng naturang usapin.
Subalit tiniyak ng opisyal na mayroong contingency plan sa paglikas kung sakali ng OFWs partikular na sa naturang self-ruled island.
May natukoy na rin aniya ang pamahalaan na convergence points para dalhin sa ligtas na lugar ang mga Pilipino sa Taiwan sakaling kailanganin ng repatriation.
Naglatag na rin aniya ang Taiwanese government ng safety measures at mga pasilidad sakaling mag-escalate ang tensiyon.
Ginawa nga ng DMW chief ang pahayag matapos na magsagawa ng 2 araw na military drills ang China sa Taiwan Strait para subukin ang kanilang kakayahan sa pagkamkam ng kapangyarihan.