Nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na makipag-usap sa Qatari government kaugnay sa natitirang 17 overseas Filipino workers (OFWs) na inaresto at kasalukuyang nakakulong matapos magsagawa umano ng pro-Duterte rally.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, bagamat pinayagang pansamantalang makalaya ang mga ito ay hindi pa rin sila abswelto dahil patuloy pa rin silang iniimbestigahan.
Aniya, patuloy pa ring tinutukoy ng Qatari Prosecution kung mayroong sapat na basehan para maghain ng mga kaso.
Kasalukuyan namang inaalam ng ahensiya kung papayagan ang 17 OFWs na bumalik sa kanilang mga trabaho sa Qatar.
Subalit tiniyak ng opisyal na kanilang tutulungan ang mga nasabing Pilipino para mapanatili ang mga ito sa kani-kanilang mga trabaho at kakausapin din ang kanilang employer kung kinakailangan kaugnay sa employment ng mga Pilipino.
Mayroon naman aniyang action fund ang gobyerno ng Pilipinas na maaaring magamit para matulungan ang mga OFW.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang labor attaché ng PH sa mga OFW para mabigyan sila ng medical at legal assistance.