-- Advertisements --

Hindi aatras ang Pilipinas sa maritime dispute nito sa China may kaugnayan sa West Philippine Sea, ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.

Aniya, patuloy na maninindigan ang ating bansa sa ating posisyon at papalagan ang anumang pamimilit, pangingialam, masamang impluwensiya at iba pang mga taktika na naglalayong sirain ang ating seguridad at istabilidad.

Ginawa ng top security official ang naturang pahayag ngayong araw sa idinaos na event kasabay ng pagdiriwang ng ika-8 anibersaryo ng 2016 ruling ng The Hague-based Permanent Court of Arbitration na pumabor sa panig ng PH sa dispute sa WPS at nagbasura naman sa malawak na pag-aangkin ng China sa disputed waters.

Una rito, umigting pa ang mga tensiyon sa pinag-aagawang karagatan sa pagitan ng PH at China sa nakalipas na mga buwan kasunod ng ilang serye ng mga komprontasyon sa pagitan ng mga barko ng 2 bansa.

Kung saan ang pinaka-seryosong insidente ay nangyari noong Hunyo 17 kung saan sinira ng mga China Coast Guard personnel ang inflatable boats at equipments ng tropa ng PH at kinuha ang ilan sa kanilang mga baril habang ang ilang PH Navy personnel ay nasugatan sa insidente kabilang na si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng hinlalaki sa insidente habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre outpost sa Ayungin shoal sa WPS.