Hindi dapat maging dependent o umasa lamang ang Pilipinas sa foreign aid o tulong na pinaaabot ng ibang bansa, ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Ang pahayag ni Pimentel ay matapos na pansamantalang suspendihin ni US President Donald Trump ang halos lahat ng foreign assistance upang repasuhin kung tugma sa kanyang foreign policy ang alokasyon na tulong na ipinaabot nito.
Ayon kay Pimentel, dapat matuto ang Pilipinas na mamuhay kahit na walang tulong ng ibang bansa tulad ng Estados Unidos.
Gayunpaman, dapat pa rin aniyang ikalugod ang lahat ng tulong na ipinagkakaloob ng ibang bansa nang walang anumang kondisyon.
Samantala, sinabi naman ni Senadora Loren Legarda, dapat magkaroon ng dayalogo ang Department of Foreign Affairs sa kanilang counterpart sa Amerika ukol dito.
Naniniwala rin ang senadora na dapat nating palakasi ang ating depensa.
Ang US ay isa sa top donors ng Pilipinas pagdating sa Official Development Assistance o ODA.
Noong 2023, nasa 147.7 million dollars ang ipinagkakaloob ng Estados Unidos na official development assistance sa Pilipinas.
Gayunpaman, sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA), na ang suspension ng tulong ng Estados Unidos ay magkakaroon lamang ng kaunting epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.