-- Advertisements --
ILLEGAL FISHING 3

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi kinikilala ng Pilipinas ang pagbabawal sa pangingisda o fishing ban ng China.

Ipinapataw kasi ng China ang fishing ban nito taun-taon mula pa noong 1999 sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang parte ng WPS.

Sa kabila nito, inihayag ng DFA na handa ang Pilipinas na ipatupad ang mga batas nito kasunod ng pagtanggal ng China ng fishing ban noong Agosto 15 sa ilang bahagi ng West Philippine Sea

Sinabi din ni DFA spokesperson Teresita Daza na kanilang hinihikayat ang China na gumawa ng mga aktibong hakbang para maiwasan ang mga fishing fleets nito na makapasok sa territorial sea ng PH at sa exclusive economic zone at iginiit na nakahanda ang Pilipinas na magsagawa ng mga hakbang sa pagpapatupad ng batas sa mga ilegal na aktibidad ng pangingisda sa mga karagatan nito.

Malugod namang tinanggap ni Philippine Ambassador to the United Kingdom at dating Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hinirang kamakailan bilang special envoy to China ang hakbang na ito ng DFA.

Aniya, tama ang Pilipinas sa lahat ng aspeto na tanggihan fiahing ban ng Tsina at maaari lamang umano nitomg igalang ang sarili nito sa kanilang sariling katubigan.

Una rito, nakapaghain na ang Pilipinas ng kabuuang 445 diplomatic protests laban sa mga agresibong aktibidad ng China sa pinagtatalunang karagatan mula noong 2020 kung saan 35 rito ay inihain ngayong taon.