-- Advertisements --

Pinawi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque ang pangamba sa gitna ng nakaambang pagpataw ng Amerika ng reciprocal tariff simula sa Abril 2.

Ayon sa kalihim, hindi maapektuhan ang bansa dito dahil magka-alyado ang Pilipinas at Amerika at napaka-minimal lang ng trade deficit ng ating bansa pagdating sa mga ini-export na mga produkto sa Amerika.

Kayat wala aniyang dapat na ikabahala sa ngayon at ipagpapatuloy lamang ng bansa kung ano ang ginagawa nito.

Base kasi sa reports, nakatakdang magpatupad ang gobyerno ng US ng reciprocal tariffs sa mga bansa na may malaking trade deficits lalo na sa mga nagbebenta ng mas maraming goods sa Amerika kesa sa binibili mula rito.

Bago pa man bumalik sa White House, inanunsiyo na ni US President Donald Trump na kaniyang tatanggalin ang hindi makatarungang taripa na ipinataw sa Amerika at papalakasin pa ang kanilang manufacturing sector.

Kabilang sa trading partners ng US na kasalukuyang ini-evaluate ang trade deficits ay ang Canada, Mexico, Brazil, the European Union (EU), Switzerland, Turkey, South Africa, India, China, Japan, South Korea, at Taiwan.

Gayundin ang 4 na Southeast Asian economies na Indonesia, Malaysia, Thailand, at Vietnam.

Base sa data ng US Trade Representative (USTR), pumalo sa $23.5 billion ang US goods trade sa Pilipinas noong 2024 at may US trade deficit na $4.9 billion.