Mariing iginiit ni National Task Force West Philippine Sea (NTF WPS) spokesperson Jonathan Malaya na hindi nakadepende ang Pilipinas sa Amerika sa pagprotekta sa West PH Sea.
Ipinunto ni Malaya na ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard ang tanging nagsasagawa ng mga operasyon partikular na sa resupply missions sa Ayungin shoal sa may West PH Sea at hindi ang pwersa ng Estados Unidos.
Ang ginagawa lamang aniya ng US ay mag-monitor kung ano ang nangyayari sa lugar.
Ginawa ni Malaya ang naturang pahayag bilang tugon sa statement ng ilang mga Senador na nakadepende ang PH sa US matapos na mamataan ang isang sasakyang panghimpapawid ng Amerika sa kasagsagan ng pinakahuling follow up rotation and resupply (RoRe) mission ng PH sa Ayungin shoal.
Ngunit depensa ni Malaya na nagsasagawa ng reconnaissance at surveillance ang US aircraft sa lugar dahil mayroong existing Mutual Defense Treaty ang US sa PH.