Hindi ikinaila ng Office of the Civil Defense official na hindi pa handa ang Pilipinas sa posibleng pagtama ng katulad ng magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar noong araw ng Biyernes, Marso 28.
Sa isang panayam, sinabi ni OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno na may 2 lebel ng paghahanda na kailangan sakaling tumama ang malakas na lindol.
Aniya, ang unang lebel ng paghahanda ay ang engineering solutions sa pamamagitan ng paggawa ng mga istrukturang earthquake-proof gaya ng mga bahay, gusali at tulay. Gayundin ang pagsasaayos ng mga paaralan at health centers para magkaroon ng matatag na pundasyon para makayanan ang malakas na mga pagyanig.
Ito aniya ang mga dapat na habuling paghandaan ng todo ng ating bansa.
Sa kabila nito, nakahanda ang pamahalaan na rumesponde sa malakas na lindol, sa pamamagitan ng pagsanay sa mga team ng rescuers na mag-responde sa major disaster.
Karamihan din aniya ng mga Pilipino ay batid ang pagsasagawa ng duck, cover and hold kapag may lindol dahil sa isinasagawang nationwide earthquake drills.
Nauna ng sinabi ng state seismologists na ang isa sa aktibong faults sa bansa na Marikina West Valley fault ay hubog na para gumalaw dahil hindi pa ito gumalaw sa loob ng 200 taon. Base kasi sa pag-aaral, kada 200 hanggang 400 taon gumagalaw ang naturang fault, kung saan sa taong 2050, maaabot na ang ika-200 taon.
Maaari ding makapag-generate ng malakas na magnitude 8.3 na lindol ang Manila Trench fault na maaaring magresulta ng tsunami.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang mga Pilipino na gamitin ang hazardhunter.ph at hanapin ang address ng inyong bahay upang malaman kung ito ay malapit ba sa fault system o landslide-prone area at siguruhing may matibay na pundasyon ang ipinapatayong bahay.