-- Advertisements --

Wala pang nakikitang dahilan sa ngayon para hilingin ang suporta ng kaalyadong bansa ng Pilipinas para umalalay sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ito ang inihayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa kabila ng mas agresibong aksyon ng China Coast Guard personnel laban sa tropa ng Pilipinas kung saan nagtamo ang ilan ng injury matapos ang insidente.

Nanindigan naman ang PCG na ang harassment ng China sa Pilipinas sa kasagsagan ng resupply mission nito ay nagpapakita ng kanilang tahasang paglabag sa international law.

Samantala, tumugon din ang PCG official kaugnay sa panibagong inilathalang report ng tabloid newspaper ng Chinese Communist Party na muling nag-akusa sa tropa ng PH na palihim umanong nagdala ng mga materyales para sa pagkumpuni ng BRP Sierra Madre maging mga armas at bala para permanenteng okupahin ang Ayungin base umano sa isang exclusive video.

Isinisi rin ng Chinese Foreign Ministry sa Pilipinas ang tensiyon kamakailan sa Ayungin na kasalanan umano ito ng ating bansa matapos muling ungkatin na nilabag umano ng PH ang pangako nito at tumangging alisin ang warship na ilegal umanong isinadsad sa Ayungin sa loob ng 25 taon.

Subalit sinabi ni Comm. Tarriela sa online account nito na hindi pa rin natatanto ng People’s Republic of China na ang Pilipinas ang siyang may sovereign rights sa Ayungin Shoal.

Anuman aniya ang dalhin ng tropa ng PH sa aktibong commissioned Philippine Navy vessel, na BRP Sierra Madre ay wala ng pakialam dito ang China.

Binigyang diin pa ng opisyal na imposibleng labagin ng PH ang soberanya ng PRC gayong ang naturang shoal ay hindi naman nila legal na pag-aari.