Iginiit ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na hindi nila papayagan ang China na i-normalize ang iligal na presensiya ng China Coast Guard (CCG) sa katubigan ng Pilipinas.
Ginawa ng opisyal ang pahayag sa NTF-WPS press conference sa gitna ng patuloy na Iligal na presensiya ng monster ship ng CCG sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas malapit sa Zambales.
Aniya, base sa kanilang obserbasyon, ang behavior ng monster ship ng China ay bago kumpara sa ibang barko ng China na karaniwang nagpapatroliya sa contested areas at kalimitang inieskrotan ng kumpulan ng Chinese maritime militia, subalit sa pagkakataong ito aniya ay intensyonal at nakapokus ang Chinese vessel sa partikular na distansiya mula sa Zambales na mas tinatayang 60-90 NM.
Subalit ayon kay PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela kung ikukumpara ang 10 dash line map ng China sa concentrated operation ng monster ship, makikita na ang lugar kung saan ito nagooperate ay nakapokus sa 4th dash ng 10 dash line map ng China.
Ito aniya ang pangunahing dahilan kung bakit walang patid ang PCG sa araw araw na pag-challenge sa iligal na presensiya ng CCG vessel.
Naniniwala aniya sila na ang intensiyon ng Chinese government ay para i-normalize ang presensiya ng CCG sa naturang lugar dahil sa naturang 4th dash line.
Bilang tugon dito sa panig ng PCG, sinabi ni Comm. Tarriela na kanilang idinodokumento ang mga iligal na presensiya ng CCG at ipinapalam sa buong mundo na tinututulan ng Pilipinas ang Iligal na presensiya ng dambuhalang barko.