Hiniling ng Pilipinas sa gobyerno ng Myanmar na payagan ang PH team na hanapin ang nawawalang mga Overseas Filipino Workers matapos ang mapaminsalang magnitude 7.7 na lindol.
Ito ay matapos na makapag desisyon ang gobyerno na gawin na ang retrieval operations para sa mga Pilipinong biktima ng lindol.
Ayon kay OCD spokesperson Atty. Chris Noel Bendijo, hanggang sa ngayon ay hinihintay pa ng kanilang opisina ang tugon ng Myanmar sa request na ito.
Umaasa si Bendijo na papayagan ng Myanmar ang Philippine Team na lumahok sa retrieval operations.
Ang naturang mga nawawalang OFWs ay nakatira sa Mandalay at hanggang ngayon ay hindi pa mahanap ng mga otoridad.
Una nang hiniling ng Pilipinas sa Myanmar na payagan itong makapag deploy ng grupo sa Mandalay para hanapin ang mga nawawalang Pilipino ngunit hindi ito pinayagan.
Aabot sa 89 ang kabuuang miyembro ng Philippine contingent na ipinadala sa Myanmar noong April 1 at 2 para tumulong sa pagsasagawa ng disaster response at relief mission para sa mga biktima ng lindol.